Naaresto ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group o PNP-CIDG ang isang illegal recruiter sa Taft Avenue sa Maynila na nag-aalok ng trabaho sa Japan.
Nakilala ang suspek na si Marilou Santiago.
Ayon kay CIDG Anti-Trans National Crime Unit Chief Police Supt. Roque Merdeguia, naaresto si Santiago sa isang entrapment operation makaraang tumanggap ito ng marked money sa mga nagrereklamong biktima habang siya ay nasa pre-departure orientation seminar.
Sinabi ni Merdeguia na humihingi ng pera si Santiago sa mga ni-recruit nito para umano sa processing fee, medical fee at iba pang bayarin.
Paalala ng mga awtoridad sa mga nais magtrabaho sa abroad, siguraduhing lehitimo ang mga recruiter at hanapin ang pangalan ng mga nito sa website ng Philippine Overseas Employment Agency o POEA.
(Ulat ni Jonathan Andal)