Nagwakas ang maliligayang araw ng isang hinihinalang illegal recruiter na sinasabing miyembro ng isang sindikato kasunod ng ikinasang entrapment operation ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group o PNP-CIDG sa Baclaran, Parañaque City.
Kinilala ni Police Supt. Roque Merdegia ang suspek na si Carolina Sareno na umano’y konektado sa illegal recruitment syndicate ng isang Amor Baruelo.
Inilatag ang operasyon laban kina Sareno at Baruelo matapos magreklamo ang isa sa kanilang mga biktima na si alyas “Rea.”
Ayon kay Merdegia, pinangakuan ng mga suspek si alyas “Rea” at iba pang biktima na bibigyan ng trabaho sa mga pabrika at hotel sa Japan kapalit ng P50,000 na placement fee, medical fee at processing fee.
Subalit natuklasan ng mga biktima na walang lisensya ang grupo ni Sareno mula sa Philippine Overseas Employment Administration o POEA para mang-recruit ng mga manggagawa kaya’t nagsumbong ito sa mga awtoridad.
‘Online bugaw’
Samantala, bumagsak din sa kamay ng mga awtoridad ang dalawang bugaw na ume-engganyo ng mga dayuhang umarkila ng menor de edad matapos ang undercover operation ng mga tauhan ng anti-trafficking in persons division ng PNP-Women and Children’s Protection Center o PNP-WCPC.
Kinilala ni Senior Superintendent Villamor Tuliao, hepe ng ATIPD, ang mga suspek na sina Jamil Sampaga at Anthony Mabansag na mga umano’y bugaw ng mga bata.
Kasama ng mga suspek ang 17-taong gulang na bata para ibigay sa nagpanggap customer at nang i-abot na ng undercover agent ang advance payment na P5,000 ay dito na sila pinosasan.
Sinasabing noon pang 2015 na-monitor ng Federal Bureau of Investigation o FBI ang mga transaksiyon ni Sampaga sa mga pedopilya pero madulas ito at magaling magtago sa sari-saring online accounts.
Sasampahan ng kasong paglabag sa anti-trafficking in persons act, anti-child abuse law, anti-child pornography act at anti-cybercrime law ang mga naturang suspek.
—-