Nababalot sa takot ang mahigit isang libong (1,000) empleyado ng Ocean Adventure sa SBMA o Subic Bay Metropolitan Authority.
Sinabi ni Aletha Candaliza, Corporate Secretary ng Ocean Adventure, ito ay dahil sa puwersahang pagpasok at pag-take over ng isang nagpapakilalang bagong presidente ng Ocean Adventure kasama ang 70 armadong lalaki.
“Illegal invasion and occupation of the territory sa Ocean Adventure at Camayan Beach Resort, 70 armadong kalalakihan po ang pumasok noong gabi na yun, kine-claim nitong bagong presidente na nagpapakilalang si Mr. Scott Shark, winasak po nila ang mga pintuan, sapilitang pinabubuksan ang mga vault, kinuha nila ang mahahalagang dokumento ng opisina noong gabing yun.” Ani Candaliza.
Sinabi ni Candaliza na pinalitan ng naturang grupo ang lahat ng tauhan sa Ocean Adventure, maging ang kanilang security personnel noong gabi ng Pebrero 13.
“Nalungkot po ako sa kabiguang pagtugon ng law enforcement division ng SBMA kung saan humingi kami ng saklolo noong gabing yun, sinasabi nila ay police visibility lang kanilang maibibigay. Ang resulta po nito ngayon ay kalituhan sa aming mga empleyado, sa humigit kumulang na 1,000 empleyado, sa ngayon po tuloy ang operasyon nila dahil kumuha sila ng mga panibagong empleyado, na kami po, mga legal na empleyado ay hindi makapasok.” Dagdag ni Candaliza
Kasabay nito ay nanawagan si Candaliza sa gobyerno partikular sa Department of Labor and Employment (DOLE) at sa Department of Justice (DOJ) na matignan ang kanilang sitwasyon.
“Wala po kaming na-receive na notice na magkakaroon ng pag-iiba ng management, kaya humihingi ako ng tulong kay DOLE Secretary Silvestre Bello at ganun na rin kay Justice Secretary Aguirre na mabigyan ng agarang aksyon ang ginawang illegal takeover sa aming kumpanya, kung saan sampu ng aking mga kasamahan ay natatakot at naguguluhan kung sino ang dapat na kilalanin, dahil sa tensyon na ito, wala kaming kinalaman sa away ng mga may-ari, bakit ang mga manggagawa ang kailangang mag-suffer?” Pahayag ni Candaliza
By Katrina Valle | Balitang Todong Lakas (Interview) | AR