Nakatakda na ring itaas ang minimum na sahod ng mga manggagawa sa Ilocos, Cagayan Valley at CARAGA Regions.
Ito kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE) makaraang maglabas na rin ng Wage Hike Order ang kani-kanilang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB).
Alinsunod sa Wage Order RB1-21, inaprubahan ang 60 hanggang 90 pesos na dagdag-sahod sa Ilocos Region na ibibigay sa loob ng dalawa hanggang tatlong tranches.
Sa sandaling maibigay na nang buo, magiging 372 hanggang 400 pesos na ang minimum wage sa rehiyon mula sa kasalukuyang 282 hanggang 340 pesos.
Aprubado na rin ng wage board ang 500 at 1,500 pesos na monthly wage increase para sa mga domestic worker sa mga lungsod at first-class municipalities maging sa iba pang munisipalidad kaya’t aabot na ang monthly wage rate nila sa 5,000 pesos.
Samantala, 50 hanggang 75 pesos naman ang aprubadong umento sa Cagayan Valley na hahatiin din sa dalawa hanggang tatlong bigayan kaya’t magiging 400 hanggang 420 pesos na ang sahod mula sa kasalukuyang 345 hanggang 370 pesos.
Sa CARAGA Region naman, inaprubahan na rin ang dagdag 15 pesos sa cost of living allowance at 30 pesos sa sahod kaya’t magiging 350 na mula sa kasalukyang 305 pesos ang basic pay.
Epektibo ang mga umento, 15 araw matapos itong ilathala sa mga pahayagang may Regional Circulation.