Ginisa ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas si Ilocos Governor Imee Marcos kaugnay sa isa sa programa nitong P-IMEE na umano’y tumatanggap ng lump sum.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Kongreso kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng sasakyan ng Ilocos Norte, sinabi ni Fariñas na ang P-IMEE o Programang Ikauunlad ng Mamamayan, Ekonomiya, at Ekolohiya ay nakatanggap ng mahigit P50-M.
Giit ni Fariñas, isang paglabag sa batas ang nasabing programa batay na rin sa naging kondisyon ng Korte Suprema ukol sa paggamit ng PDAF.
Bukod pa rito, binanggit din ni Fariñas na isang pang proyekto ni Marcos ang nakakuha rin ng halos P5-M lump sum.
Iginiit naman ni Marcos na hindi maituturing na lump sum ang mga pondo ng mga nasabing proyekto dahil nakabase ang paggastos sa mga ito sa AIP o Annual Investment Program na aprubado ng sangguniang panlalawigan ng Ilocos Norte.