Kinumpirma ni Senator Imee Marcos na muling nagpositibo sa COVID-19 ang kaniyang anak na si Ilocos Norte Governor Matthew Marcos Manotoc.
Ayon sa senadora, nagpapagaling na ang kaniyang anak habang naka-isolate upang maiwasan ang hawaan ng naturang sakit.
Matatandaang noong Enero, unang tinamaan ng virus ang gobernador kahit ito ay asymptomatic.
Samantala, iminungkahi naman ni Marcos sa pamahalaan na manatili muna ang kasalukuyang health protocols na ipinatutupad sa bansa dahil nananatili parin ang banta ng COVID-19 kung saan, mataas pa rin ang aktibong kasong naitatala ng Department of Health (DOH) sa nakalipas na linggo.
Bukod pa diyan, nanawagan din ang senadora na huwag nang magpatupad ng lockdown sakaling muling isailalim sa alert level 2 ang National Capital Region (NCR), dahil posible lamang dumami ang bilang ng mga nagugutom sa Pilipinas.