Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Ilocos Norte bunsod ng walang patid na ulang dala ng habagat na pinaigting pa ng Bagyong Luis.
Ito ang napag-kasunduan sa ginawang emergency session ng sangguniang panlalawigan dahil na rin sa mga naitatalang pagbaha, pagsasara ng mga daan at walang patid na pag-ulan nitong nakalipas na mga araw.
Dahil dito, maaari nang gamitin ng provincial government ang kanilang calamity fund upang maipamahagi sa may labingapat na libong residente na apektado ng kalamidad.
Batay sa tala, aabot na sa mahigit isandaang milyong piso ang kabuuang pinsala sa lalawigan partikular na sa agrikultura at imprastraktura.
Inabisuhan din ng lokal na pamahalaan ang mga turista sa kanilang lugar na manatili muna sa kani-kanilang tinutuluyan habang hindi pa maayos ang lagay ng panahon.
Isinara na rin kasi ang ilang tourist spot sa lugar tulad ng Kapurpurawan Rock Formation, Marcos Presidential Center, Malakanyang ti Amianan at iba pang mga gusaling pagmamay-ari ng gobyerno.