Isinailalim na sa emergency health situation ang Ilocos Norte bunsod ng pagtaas ng bilang ng kaso ng rabies sa lalawigan.
Nabatid na pumalo na sa 53 barangay ang positibong may kaso ng rabies kabilang na ang Batac City, Laoag City, Paoay, San Nicolas, at Badoc.
Ayon kay Dr. Loida Valenzuela, Provincial Veterinarian ng lalawigan, tumataas ang kaso ng rabies na nakukuha mula sa kagat ng aso kung saan, kailangan nang palawigin ang pagbabakuna o ang pagtuturok ng anti-rabies upang mapigilan ang pagkalat nito sa probinsya.
Sa pinaka huling datos ng lokal na pamahalaan ng lalawigan, 66,000 na aso ang kailangang mabakunahan ng anti-rabies.
Bukod pa dito, kailangan din ng multi-agency approach na binubuo ng mga pulis at mga may-ari ng alagang hayop, upang hindi na tumaas pa ang kaso ng rabies sa Ilocos Norte.