Nagpatupad na ng preemptive evacuation ang pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte bilang paghahanda sa inaasahang pananalasa ng bagyong Ompong.
Ayon kay Ilocos Norte Governor Imee Marcos, inilikas na ang mga residente na nakatira sa baybayin, tabing-ilog at landslide prone areas.
Maliban dito, nakahanda na rin ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan para sa mga ipapamahaging tulong sa mga maaapektuhang residente.
“’Yung ibang tao nagagalit bakit daw ang aga-aga sabi ko tiisan na lang tayo dahil hindi natin ma-predict ang bagyo kaya eto nga may ipinatutupad tayong preemptive evacuation, sobrang agang evacuation, na-preposition na ang pulis, search and rescue teams at mga equipment.” Ani Marcos
Kaugnay nito, sinuspinde na rin ang lahat ng tourism activities sa Ilocos Norte.
Pinapayuhan ang mga turista na iwasan ang mga aktibidad gaya ng paglangoy, trekking, hiking at iba pa.
Samantala, nanawagan din si Marcos sa kanyang mga kababayan na samantalahin ang dalawang araw na walang pasok simula ngayong araw para paghandaan ang bagyo.
Mas mainam aniya na manatili na lamang sa loob ng bahay at iwasan ang pagbiyahe.
“Kahit bakasyon dalawang araw, today at bukas ay hindi ito bakasyon kundi pagkakataon na pagtibayin ang mga bahay at mag- stock up ng mga kailangang gamot at pagkain.” Pahayag ni Marcos
(Imee Sagot Interview)