Umapela ang pamahalaang lokal ng Iloilo City sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na maibaba ang estado ng lungsod sa general community quarantine (GCQ).
Kasunod ito ng pasiya ng task force na maisailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Iloilo City dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 simula noong Setyembre 25 hanggang Oktubre 9.
Ayon kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, nakasaad sa kanyang ipinadalang liham sa IATF na mailagay sa GCQ ang lungsod simula Lunes, Setyembre 28.
Aniya kanya nang natalakay ang nabanggit na kahilingan kina IATF Chairperson Defense Secretary Delfin Lorenzana at Interior Undersecretary Epimaco Densing.
Dagdag ni Treñas, kanya ring nakausap ang COVID-19 team at mga negosyante sa lungsod kung saan nabanggit ang ilang mga barangay na walang naitatalang bagong kaso ng COVID-19.
Binigyang diin ni Treñas, pagpapakalat sila ng mga compliance officer sa bawat barangay habang agad namang pakikilusin ang kanilang quick response team para magsagawa ng trace, test, isolate at decontamination sa mga apektadong lugar.