Ilang araw nang hindi mapakali si Cecil Andre Gomes mula sa India.
Walang tigil kasi ang pagdurugo ng kanyang ilong!
Dahil hindi na makatiis, nagtungo na siya sa isang ospital sa Prayagraj upang malaman ang sanhi ng kanyang nosebleed.
Nang suriin ng doktor, dito na nadiskubreng mayroon palang buhay na linta sa loob ng kanyang ilong!
Ayon kay Dr. Subhash Chandra Verma, sinisipsip ng linta ang dugo ni Gomes kaya siya nakararanas ng nosebleed.
Ang linta o leech ay isang uri ng parasite na sumisipsip ng dugo mula sa iba’t ibang organismo, kabilang na ang tao. Kaya nitong mabuhay ng ilang linggo sa loob ng katawan ng tao.
Sa kabutihang palad, maayos namang natanggal ang buhay na linta mula kay Gomes. Wala ring naiwang pinsala sa loob ng kanyang ilong.
Paniniwala ni Gomes, posibleng nakapasok sa ilong niya ang linta nang maligo siya sa isang maduming ilog.
Hindi maikakailang nakakikilabot ang nangyari kay Gomes, kaya naman laging mag-ingat at iwasang maligo sa maduming tubig upang hindi ito mangyari sa’yo.