May mga inilatag nang hakbang ang pamunuan ng Basilika Minore ng Quiapo sa Maynila upang makaisa pa rin nila sa pamamanata sa Poong Hesus Nazareno.
Ito’y makaraang magkasundo ang simbahan ng Quiapo at pamahalaang lungsod ng Maynila na kanselahin na muna ang taunang Traslacion ng itim na Nazareno sa Enero ng susunod na taon.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Quiapo church, hiniling nila sa pamahalaang lungsod na payagan silang makapagdagdag ng misa nang sa gayon ay maiwasan ang siksikan sa simbahan.
Wala rin munang pahalik sa poon sa halip ay kanilang idudungaw sa balkonahe na nasa harap ng simbahan ang imahe ng Nazareno para sa mga namamanata na tatagal ng isang buwan mula Disyembre ngayong taon.
Hihilingin din ng pamunuan ng simbahan ng Quiapo sa lahat ng mga parokya sa bansa na mag-alay ng misa para sa Poong Itim na Nazareno.
Nais din nilang ilibot ang imahe ng poon sa iba’t-ibang lugar sa bansa upang makaisa nila sa pagnonobena at upang hindi na mapilitan ang mga nasa malalayong probinsya na magtungo pa sa Maynila para roon ay magsimba.