Kinontra ni Senador Risa Hontiveros ang Father of the Nation image na nais na ipakita sa magiging State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Hontiveros, sa halip na ama ng nasyon ay mas maituturing na mapag-abusong ama ang Pangulo na paulit-ulit na nagmamaltrato at nanakit sa kanyang asawa at mga anak.
Tulad na lang aniya ng utos nitong pagpatay, pagpapaaresto sa halip na pagbibigay ng trabaho sa mga tambay at pagiging malakas lamang sa mahihina ngunit hindi naman kayang hadlangan ang sunod-sunod na pamamaslang sa mga pulitiko at pari.
Maaari rin aniyang tawaging foster son ng China si Pangulong Duterte dahil sa pananahimik nito sa pananakop at militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.
‘Wish list’
Nagpahayag ang ilang senador ng kanilang wish list sa magiging SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, nais niyang marinig kung ano ang gagawin ng gobyerno kaugnay sa kahirapan at breakdown ng law and order sa bansa.
Positibo naman si Senador JV Ejercito na maririnig sa Pangulo ang plano nito sa ekonomiya sa natitirang taon nito sa puwesto gayundin ang pagbibigay ng update sa walong trilyong Build, Build, Build program ng administrasyon.
Umaasa naman si Senador Sonny Angara na isusulong ng Pangulo ang pagpapatupad ng universal health care bill , pangakong pagtataas ng sahod ng mga guro at job creation.
Habang si Senador Nancy Binay ay nais na marinig ang mga plano ng gobyerno sa mga isyung malapit sa sikmura tulad ng inflation at iba pa.
Gayundin ang update sa ginagawang rehabilitasyon sa Marawi City, resulta ng mining audit at iba pa.
—-