Tiniyak ng pamahalaang lungsod ng Marikina na handa na rin ang storage facility ng Department of Health na nasa kanilang lungsod para pag-imbakan ng mga darating na bakuna kontra COVID-19 mula China.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, aabot ng hanggang apatnapung minuto ang posibleng itagal ng biyahe mula Villamor Airbase sa Pasay City patungo sa DOH storage facility sa Bayan-Bayanan road.
Bantay sarado rin aniya ng mga tauhan ng Eastern Police District ang nasabing imbakan ng mga bakuna para na rin masigurong ligtas gagawing paglalagak sa mga ito.
Ito naman ay storage facility ng DOH, third party storage — malaki, maayos at ang LGU nga ay nakipag-ugnayan sa management ng storage facility para mapahalagahan ng mabuti. Hindi lang security kundi lang traffic at transportasyon na assistance para ma-deploy ito mga vaccine sa iba’t ibang ospital,” ani Teodoro
Mahalaga ayon kay Teodoro na makarating sa itinakdang oras ang mga bakuna sa itinalagang storage facility nito dahil kinakailangang mapanatili ang temperatura ng mga iyon.
‘Yung oras importante at temperatura ng vaccine, may required na temperature. Alas-5 inaasahang darating at kapag dumating ito itra-transport. May naka-assign na transport na vaccine group ang magtra-transport nito ansa container van ito. May convoy at mayroon din special lane na gagamitin,” ani Teodoro sa panayam ng Todong Nationwide Talakayan