Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief police general Guillermo Lorenzo Eleazar na magsagawa ng inventory sa mga gamot at iba pang mga kagamitan para sa medical needs at proteksyon ng mga kapulisan.
Sinabi ni Eleazar na nababahala siya sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay kung saan sumampa na ito sa mahigit 100.
Ayon kay Eleazar na inatasan nito si PNP-ASCOTF commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz na magsagawa ng naturang imbentaryo sa mga kakailangan ng police personnel.
Dagdag ni Eleazar, kailangan din laging handa ang PNP sa mga worse-case scenarios sa gitna ng laban nila sa COVID-19 lalo na’t isa ang pulis sa maituturing na frontliners.
Samantala, nagpaalala si Eleazar sa mga police unit heads at commanders na mahigpit na ipatupad ang mga minimum health protocols at kailangan rin magdoble ingat kahit na bakunado na kontra COVID-19.