Sinimulan na ng Bureau of Customs ang imbentaryo sa umano’y smuggled rice na nakumpiska ng Naval Forces Western Mindanao sa Oluntanga, Zamboanga Sibugay.
Ayon kay Atty. Lyseo Martinez, District Collector ng Bureau of Customs-Zamboanga City, magsasagawa rin sila ng imbestigasyon para alamin kung may mga hawak na dokumento ang kapitan ng Mongolian-Flagged Ship na MV Diamond 8.
Kailangan anyang magpresenta ng permit to import, certificate of eligibility at iba pang dokumento ang mga opisyal ng barko bilang patunay na ligal ang kanilang pagkarga ng mga bigas mula Vietnam.
Kabilang din sa imbestigasyon ang impormasyong nabiktima umano ng mga pirata ang barko kaya’t napadpad sa karagatan ng oluntanga.
Gayunman, batay sa report ng Naval Forces Western Mindanao, nag-diskarga ng mga bigas papunta sa mga maliliit na cargo vessel ang MV Diamond-8 kaya’t imposible umano na nasiraan lang ang nasabing barko.