Handang makipag-ugnayan ang Commission on Human Rights (CHR) sa iba’t ibang institusyon upang matiyak na napoprotektahan ang karapatan ng mga katutubo o Indigenous People.
Ito, ayon kay CHR Spokespseron Atty. Jacqueline De Guia, ay bilang pagsuporta sa ginagawang imbestigasyon ng National Commission on Indigenous People (NCIP) hinggil sa umano’y bentahan ng mga ancestral land sa Davao Region.
Ayon kay De Guia, bukas ang kanilang tanggapan para tumulong sa pagkakasa ng kaso laban sa mga abusadong nasa likod ng maanomalyang gawain.
Giit ni De Guia, isang private property ang mga ancestral domain subalit isa rin itong community property ng mga katutubo na kanilang ipamamana sa mga susunod nilang salinlahi at hindi maaaring ibenta ninuman.
Kinikilala ng CHR ang magkarugtong na relasyon ng mga ancestral land sa kultura at pagkakakilanlan ng mga katutubo ng bansa.