Hawak na ng mga operatiba ng Philippine National Police o PNP at ng National Bureau of Investigation o NBI ang umano’y nasa likod ng kontrobersyal na vaccine slot for sale.
Ito’y makaraang lumutang na ang umano’y suspek na si Cyle Cedric Bonifacio matapos isuko siya ng kaniyang mga magulang kay Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Chairman Benhur Abalos.
Ayon naman kay Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, Barangay Kagawad sa kanilang lungsod ang ama ni Cyle Cedric.
Kasalukuyan nang nasa Mandaluyong City Police Office si Cyle para isalang sa malalimang imbestigasyon habang tiniyak naman ng mag-asawang Abalos na daraan sa due process ang binata.
Pero, mariing itinatanggi ng binata na siya ang utak ng panloloko sa social media kung saan, nag-aalok ito ng slot para sa pagbabakuna sa Mandaluyong at San Juan sa halagang walo hanggang P15,000 depende sa brand ng bakuna.
Magugunitang nagpalabas ng subpoena si PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar laban sa sinumang nasa likod ng nasabing scam upang agad na mapanagot sa batas.
Pero para kay Chairman Abalos ng MMDA, case closed na ang naturang usapin subalit dito pa lang magsisimula ang imbestigasyon sa panig naman ng PNP at ng NBI.