Hinimok ng MMDA o Metro Manila Development Authority ang motoristang si Ronan Pastrana na humarap at maghain ng pormal na reklamo.
Ito’y makaraang maging viral sa social media ang video ni Pastrana hinggil sa umano’y pamumunit ng traffic constable na kinilalang si Gilbert Rafal sa kaniyang lisensya.
Sa panayam ng programang “Balita Na, Serbisyo Pa” kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, batay sa isinumiteng affidavit ni Rafal, nagpakilala umanong pulis si Pastrana at sinubukan pa umano siya nitong suhulan.
Dahil hindi pumayag ang constable na si Rafal, dito na sinimulang videohan ni Pastrana ang kaniyang paninita kay Rafal.
Kasunod nito, nilinaw ni Pialago na may ipinatutupad na one strike policy ang MMDA upang masugpo ang katiwalian sa kanilang hanay.
Gayunman, hindi aniya sila mangingiming kasuhan si Pastrana kung mapatutunayang may pang-aabuso ito sa kaniyang karapatan bilang mamamayan laban sa isang lingkod bayan.
By: Jaymark Dagala
Imbestigasyon hinggil sa viral video ng pamumunit ng lisensya sisimulan ngayong araw was last modified: June 27th, 2017 by DWIZ 882