Nakatakda nang simulan ng Senado ang imbestigasyon sa mga inilahad ni Pete Joemel Advincula o mas kilala bilang si alyas Bikoy sa Biyernes, May 10.
Ayon kay Senador Panfilo Ping Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, magsisimula ang pagdinig bandang alas 9:30 ng umaga.
Ani ni Lacson, arangkada ang pagdinig sa oras na matiyak ni Bikoy ang kaniyang pagdalo para patunayan ang kaniyang mga alegasyon.
Magpapadala umano ang komite ng pormal na imbistasyon kay Advincula sa pamamagitan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Si Advincula ang nagpakilalang si Bikoy na nasa “Ang Totoong Narcolist” video na kumalat sa internet.
Barbers duda kay alyas ‘Bikoy’
Duda si House Committee on Dangerous Drugs Chair Robert Barbers sa timing ng paglantad ni Peter Advincula o alyas Bikoy na nasa “Narcolist video”.
Ayon kay Barbers, malaki ang posibilidad na nais lamang ni Advincula na sirain ang mga kandidato ng administrasyon lalo’t ilang araw na lamang ay eleksyon na.
Kinuwestiyon din ni Barbers ang pag-agarang pag-prisinta sa sarili sa imbestigasyon sa Senado sa halip na sa National Bureau of Investigation (NBI) dumeretso.
Ipinagtataka rin ng opisyal kung bakit hindi agad nakipagtulungan sa mga otoridad si Advincula kung talagang may hawak itong mga ebidensya sa halip ay idinaan ang kaniyang mga paglalahad sa social media.
Dagdag pa ni Barbers, kung seguridad naman ang pinagaalala ni Advincula ay mayroon naman siyang karapatang humingi ng tulong sa Department of Justice (DOJ) para isailalim sa witness protection program.