Sinisimulan na ng Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP ang imbestigasyon kaugnay nang pagbagsak ng Cessna 206 plane na iniulat na nawawala noong Enero 24 at natagpuan nitong Huwebes lamang sa Isabela.
Ayon sa CAAP, nadiskubre ang wreckage site sa dalisdis ng Sierra Madre mountain range sa bayan ng Divilacan.
Kabilang sa mga parte ng Cessna na nais makuha ng mga imbestigador ay ang emergency locator transmitter o ELT na makatutulong upang matukoy kung bakit walang “distress signal” na naipadala mula sa eroplano.
Sinabi naman ni CAAP deputy director general Capt. Edgardo Diaz na mahalaga ring malaman kung masamang panahon o aberya sa makina ang dahilan nang paglihis ng ruta ng eroplano at pagbagsak nito.