Ipinauubaya na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga independent agency ang imbestigasyon sa mga alegasyong sangkot umano sa drug smuggling at katiwalian ang kanyang anak na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at manugang na si Atty. Manases Carpio.
Ito ang tugon ni Pangulong Duterte matapos ihirit ni Senador Leila de Lima na dapat habulin ng administrasyon ang mga tunay na druglord.
Sa kanyang pagbabalik bansa mula sa Japan, kagabi, inamin ng punong ehekutibo na hindi niya kinukunsinte kung mayroon mang ginagawang masama ang kanyang anak.
Iginiit ni Pangulong Duterte na gusto niyang maging patas sa lahat maging sa kanyang mga anak at miyembro ng gabinete na nasasangkot sa katiwalian.