Kinumpirma ang International Criminal Court Chief Prosecutor na nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng nasabing korte sa sinasabing madugong war on drugs ng Duterte administration.
Ayon kay ICC Prosecutor Khan, layon ng prosekusyon na suriin ang anumang mga bagong ebidensya na nakolekta sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Batay sa mga naunang dokumento, ilang itinuturing na suspek din ang iniimbestigahan ng ICC kaugnay sa nationwide drug war at sinasabing Davao Death Squad killings.
Samantala, sinabi naman ni ICC accredited Lawyer Gilbert Andres, posibleng maharap pa si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa karagdagang kaso ng crimes against humanity dahil sa panggagahasa at torture.
Nabatid na sa original application para sa arrest warrant ng dating pangulo, binanggit ng ICC Prosecutor ang 45 acts of murder; 4 na torture at 3 rape bilang “representative sample of the multiple acts of violence” na posibleng bumubuo sa kasong crimes against humanity ng dating presidente. —sa panulat ni Kat Gonzales