Matapos ang anim na hearing ay tinapos na ng House Joint Committee on Good Government and Public Accountability at Energy ang imbestigasyon hinggil sa umano’y midnight deals sa pagitan ng Energy Regulatory Commission at MERALCO.
Ayon kay BAYAN Muna Party-List Rep. Carlos Zarate, lumabas sa mga hearing na pinaboran ng E.R.C. ang MERALCO sa pamamagitan ng pagpapalawig sa deadline ng competitive selection process para sa filing ng power supply agreements hanggang 2016 mula sa dating November 2015.
Nang mag-issue anya ng clarificatory resolution ay nagbigay ito ng bentahe at nakatulong sa MERALCO upang maplantsa ang pitong kasunduan.
Iginiit din ni Zarate na nagkaroon ng conflict of interest sa mga supply agreement.
Sa kabila nito, itinanggi ng power distributor na nagkaroon sila ng midnight deals sa E.R.C. at nilinaw na ang pitong bilateral power contracts na iniimbestigahan sa Kamara ay hindi pa inaaprubahan ng komisyon.