Aarangkada na sa pagbabalik ng sesyon sa Kamara ang imbestigasyon kaugnay sa maanomalyang stock trading na kinasasangkutan ng apat na opisyal ng Social Security System o SSS.
Ayon kay House Committee on Banks and Financial Intermediaries Chairman Ben Evardone, mayroong haharap na dalawang hindi pa pinapangalanang indibidwal na may hawak na impormasyon kaugnay sa apat na opisyal.
Sinabi ni Evardone na may ilang miyembro ng SSS ang dumulog sa kanyang komite kung saan may gumagamit aniya ng kanilang policy loan kahit hindi mismong ang member ang naglo-loan nito.
Matatandaang kabilang sa mga opisyal na pinangalanan sa naturang reklamo ay sina Equities Investment Division Chief Reginald Candelaria, Vice President for Investments Rizaldy Capulong, Equities Product Development Head Ernesto Francisco Jr., at Chief Actuary George Ongkeko Jr.