PINASISIMULAN na ng Office of the President (OP) ang imbestigasyon laban sa nasibak na hepe ng Land Transportation Office (LTO) sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) o Regiona IV-A.
Ayon sa tatlong-pahinang memorandum na may petsang Mayo 29, 2024, kinumpirma ni Atty. Floreida Apolinario ng 8888 Citizen’s Complaint Center (8888 CCC) kay Strategic Action and Response (STAR) office Assistant Secretary Gabriel Lorenzo Ignacio na natanggap na nila ang mga reklamo laban kay dating LTO Region IV-A Regional Director Cupido Gerry Asuncion.
Noong Marso 8, isinumite ng complaint center ang letter-complaint sa Investigative and Adjudicatory Division ng Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs (ODESLA), na siyang naatasang magsagawa ng imbestigasyon laban kay Asuncion.
Sinabi ni Apolinario na inendorso rin ang mga reklamong ito sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) at ipinadala sa LTO, ngunit wala umanong aksiyon ang ahensya hinggil sa tatlong reklamo laban sa dating opisyal.
Samantala, ayon sa isang anonymous na reklamo, sinasabing naghihingi ang kampo ni Asuncion sa mga operator ng mga colorum vans ng P1,000 kada buwan bilang payola na regular na kinukuha ng mga personnel ng LTO gamit ang isang LTO-marked vehicle.
Sa isa pang reklamo, isiniwalat ni Ronald Lee Basbas na tinulugan umano ng tanggapan ni Asuncion ang kanyang reklamo hinggil sa registration ng kanyang motorsiklo, na inendorso pa ng Department of Trade and Industry (DTI) sa LTO Region IV-A.
Pagbubunyag pa ni Apolinario sa kanyang memo na bigo ring maglabas ng show cause order si Asuncion laban sa dealer kung saan binili ni Basbas ang motorsiklo, kahit na malinaw na paglabag sa mga direktiba ng LTO ang matagal na pagkaantala ng resibo at certificate of registration ng nasabing sasakyan.
Maliban naman sa mga nabanggit, nabatid na may iba pang mga reklamo laban kay Asuncion na nakabinbin pa hanggang ngayon.