Magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Food and Drug Administration (FDA) hinggil sa pagpapabakuna kontra COVID-19 ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Ito ang inihayag ng Malakanyang matapos na ibasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ikakasang pagsisiyasat ng Senado sa usapin.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi pinipigilan ni Pangulong Duterte ang mga ahensiya sa ilalim ng ehekutibo na mag-imbestiga laban sa aktibidad kaugnay sa hindi awtorisadong pagpapaturok ng anti-COVID-19.
Ani Roque, maaaring ituloy ang mga ahensiya sa ilalim ng executive department ang kanilang imbestigasyon kung saan inaasahan nilang makikipatulungan ang PSG.
Una na ring sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi ititigil ng NBI ang imbestigasyon nito sa usapin dahil maaari pa ring makakaalap ang ahensiya ng impormasyon mula sa mga sources.
Paliwanag ni Guevarra, hindi lamang sa pagpapaturok ng hindi awtorisadong anti-COVID-19 vaccine ng PSG ang kanilang imbestigasyon bagkus ay mismong ang pagkalat ng mga hindi rehistradong bakuna kontra coronavirus sa tinatawag na black market.