Patuloy na iniimbestigahan ng tanggapan ng Ombudsman si dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte dahil sa umano’y mga tagong yaman nito.
Ito ang kinumpirma mismo ni Ombudsman Conchita Carpio Morales sa isang ekslusibong panayam ng CNN Philippines.
Ayon kay Morales, hindi pa tapos ang isinasagawang preliminary investigation laban sa nakababatang Duterte sa pangunguna aniya ni Deputy Ombudsman for the Military and other Law Enforcement Cyril Ramos.
May kaugnayan aniya ito sa mga hindi tamang ideneklarang ari-arian ni Paolo Duterte sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Net Worth o SALN.
Samantala, muli namang iginiit ni Morales na matagal na siyang nag-inhibit sa mga isinasagawang imbestigasyon laban sa pamilya Duterte dahil pamangkin niya ang asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte na si Atty. Manases Carpio.
Magugunitang nitong Mayo lamang unang inamin ni Morales na nagpapatuloy ang imbestigasyon laban kay Paolo bagama’t hindi niya ito idinetalye.
—-