Malapit nang matapos ang PNP Internal Affairs Service sa kanilang imbestigasyon sa pagkakapaslang kay Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay PNP Internal Affairs Service Inspector General Angelo Leuterio, nasa 70% na sila sa imbestigasyon.
Target, aniya, nilang mailabas agad ang resulta ng imbestigasyon.
Unti-unti na nilang napagtatagpi-tagpi ang mga nakukuhang ebidensya maging ang mga salaysay ng mga testigo sa krimen.
Partikular na sinisilip ng PNP Internal Affairs Service ang oras ng operasyon, koordinasyon ng pulisya at bilangguan, ang pre-operational planning ng Criminal Investigation and Detection Group, at ang paggamit ng pwersa ng PNP sa paghahain ng search warrant.
Sisilipin din, aniya, ang CCTV ng bilangguan kung tunay ngang gumagana ito nang mangyari ang krimen.
Sakali mang mapatunayang may paglabag ang mga pulis na naghain ng search warrant kay Espinosa, tiniyak ng PNP na masisibak ang mga ito sa serbisyo.
By: Avee Devierte