Bumuo ng special task group ang Philippine National Police (PNP) para tutukan ang imbestigasyon sa pananambang na ikinasawi ni Mayor Alexander Buquing ng Sudipen La Union at dalawang iba pa.
Ayon kay Senior Supt. Ricardo Layug, hepe ng PNP Provincial Office sa La Union, agad silang nagsagawa ng dragnet operations sa Sudipen, Balaoan, Bangar hanggang sa Tagudin Ilocos Sur matapos ang insidente.
Patuloy ang paghahanap ng awtoridad sa di umano’y pick up na ginamit ng mga suspect.
Si Mayor Buquing kasama ang kanyang asawang si Vice Mayor Wendy, bodyguard at driver ay pinagbabaril ng mga lalakeng sakay ng pick-up habang bumabaybay sa lugar malapit lamang sa Cadapli Elementary School.
Napatay si Mayor Buquing ang driver na si Bonifacio Depdepen at bodyguard na si Rolando Juan Be samantalang nasa ospital pa si Vice Mayor Wendy.
Nagluluksan naman ngayon ang bayan ng Supiden sa La Union dahil sa pagkamatay ni Mayor Alexander Buquing.
Gabi ng Lunes, matapos maideklarang patay si Mayor Buquing ay agad na inilagay sa half-mast ang bandila sa munisipyo.
Ayon sa mga mamamayan ng Supiden, posibleng may kinalaman sa pulitika ang pagpatay sa alkalde.
Sa pinakahuling ulat ng DWIZ Patrol ay may sinusundan nang lead at may hawak nang impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa pagpatay sa alkalde.
PNP, may hawak nang impormasyon hinggil sa pagpatay kay Sudipen, La Union Mayor Alex Buquing | via @jaymarkdagala pic.twitter.com/JAZcmrcC1V
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) October 2, 2018
(May ulat ni Jaymark Dagala)