Nanindigan si Sen. Richard Gordon na tuloy ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa mga kontrobersya na kinasasangkutan ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Ito’y sa kabila umano ng ginagawang pag-depensa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa industriya ng POGO sa bansa.
Ayon kay Gordon, Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, tuloy ang imbestigasyon ng kaniyang komite sa mga katiwalian, money laundering at iba pang krimen na may koneksyon sa POGO industry.
Sa katunayan aniya ay nagtakda pa ang komite ng panibagong pagdinig bukas Marso 12 para silipin ang epekto ng POGO sa bansa.
Iginiit ni Gordon na hindi niya maaaring itigil ang pag-iimbestiga sa POGO dahil bukod sa ito aniya ay in aid of legislation ay nais din nilang maiparating sa publiko at sa Pangulo na hindi maganda ang idinudulot sa bansa ng operasyon nito.
Una rito sinabi ng Pangulo na walang dahilan para ipatigil ang POGO sa bansa dahil malinis ang operasyon nito at walang anomalya.