Plantsado na ang gagawing imbestigasyon ng Senado bukas sa panukala ng MMDA o Metropolitan Manila Development Authority na ipagbawal ang provincial buses sa EDSA.
Ayon kay Senator Grace Poe, Chairperson ng Senate Committee on Public Services, pagpapaliwanagin ang MMDA sa naging malalang lagay ng trapiko nitong nakarang linggo at sinigurong papanagutin ang responsible dito.
Aniya, sinusubukan ng MMDA na resolbahin ang trapiko na parang gumagawa ng science project na puno ng eksperimento na nagdudulot naman ng matinding abala sa mga motorista at commuter.
Matatandaang inulan ng reklamo ang MMDA dahil sa nangyaring traffic gridlock sa EDSA dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng yellow lane policy habang ang bus ban policy naman ay pansamantalang ipinatigil ng korte.