Gumulong na ang pagdinig ng senado sa isyu ng pekeng bigas.
Pinangunahan ni Senator Cynthia Villar, Chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food ang pagtatanong sa mga inimbitahang resource persons mula sa National Food Authority (NFA) at iba pang mga stakeholders.
Kabilang sa unang sumalang ay ang sina Ginang Carmencita Grinio at Erlinda Salle na sinasabing nakakain ng pekeng bigas na ibinigay lamang ng kanilang kamag-anak.
Bigo namang humarap sa pagdinig ang sinasabing mismong nakabili ng pekeng bigas na si Hana Falle.
Ayon kay NFA Regional Director Diane Silva, hindi na nakikipag-coordinate sa kanila si Falle para ituro kung saan nabili ang nasabing synthetic rice.
Samantala, mangangailan pa ng mas mahabang pag-aaral bago matukoy kung peke nga ba ang bigas na natagpuan sa Davao City.
Ipinaliwanag ni Food Security and Agricultural Modernization Secretary Francis Pangilinan na natukoy na sa paunang pagsusuri ng Food Development Center ng NFA at ng Food Drug Administration na kontaminado ang bigas subalit maari pang abutin ng isang buwan bago tuluyang matukoy kung ito ay peke.
Dahil dito, makakabuti aniyang maging mapagmatyag ang publiko at iwasan ang pagkain ng naturang mga kontaminado at hinihinalang pekeng bigas.
By Rianne Briones | Katrina Valle | Cely Bueno (Patrol 19)