Inaasahan ang paggulong ng imbestigasyon sa senado kaugnay sa umano’y pagkamatay ng 21 na bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang inihayag ni Senate President Vicente Sotto III sa pagsusulong niya ng senate investigation kaugnay sa nasabing usapin.
Ayon kay Sotto, kailangan ay mabigyang kasagutan ang maraming bagay gaya na lamang aniya kung bakit walang otopsiya; kung nasabihan ba ang mga kaanak ng mga nasawing inmate; at kung bakit hindi ito nakarating sa Department of Justice.
Samantala, nagpahayag naman ng suporta si Senador Christopher “Bong” Go sa naturang hakbang.
Ani Go, dapat ay maging malinaw kung ano talaga ang sanhi ng kamatayan ng naturang mga inmates at kung mayroon bang naging pagkukulang sa panig ng mga otoridad sa pangyayaring ito.