Handa ang Globe na ibigay sa senado ang kinakailangang suporta sa imbestigasyon kaugnay sa spam at scam SMS na nagpapatuloy pa rin umano sa kabila nang pagpapatupad ng Sim Registration Act.
Tiniyak ng Globe ang pagpapadala ng mga kinatawan sa senate public services commitee hearing sa September 5 para ibahagi ang mga ginagawa ng mobile leader sa bansa kontra spam, scam SMS at kung paano tutugunan ang paghahasik ng mga manloloko.
Ayon kay Atty. Froilan Castelo, General Counsel ng Globe group katuwang ng gobyerno ang Globe lalo na sa mga usaping na nakakaapekto sa mga customer kaya naman handa ang globe na makipagtulungan sa senado upang labanan ang mga scammer at maiiwas ang mga potential victim sa kabila nang pagkakasa ng sim registration act.
Pinaalalahanan din ng Globe ang publiko na maging vigilant at huwag magse-share ng mga sensitibong impormasyon online na maaaring gamitin ng mga cyber criminals para iligal na mapasok ang mga personal accounts.
Sinabi ni Yoly Crisanto, Globe group Chief Sustainability and Corporate Communications Officer na dapat maging maingat ang publiko dahil maging ang mga kriminal ay kumikilos din para sirain ang mga bagong teknolohiya na binubuo ng mga telecom.
Binigyang-diin pa ni Crisanto na ang information security ay maituturing na shared responsibility ng lahat kaya’t kapag nakatanggap ng mensahe sa hindi nyo kilala, kaagad itong I-report sa #stopspam portal ng Globe o sa Pnp Anti-Cyber Crime Group hotline numbers 09666271257 at 09688674302 at i-block ang ginamit na numero para mabigo ang mga tangkang pambibiktima ng cybercriminals.
Ipinabatid ng Globe na sa kabila ng sim registration act nakakapagpadala pa rin ang mga kriminal ng spam at scam messages sa pamamagitan ng: Paggamit ng over the top messaging apps kabilang ang paggamit ng hindi rehistradong sim para makagawa ng account sa mga naturang apps bago ang July 30 activation at paggamit ng number mula sa ibang bansa na hindi sakop ng sim registration law.
Tiniyak ng Globe ang patuloy na pagba-block ng spam at scam SMS kabilang ang all person to person SMS na may link, pagre-record ng bilang ng blocked text messages sa 2.2 billion mula January hanggang June na halos apat na beses na pagtaas sa naitalang 615.01 million sa parehong panahon nuong isang taon at malapit na sa 2022 full year record na 2.72 billion blocked messages.
Siniguro rin ng Globe ang pagpapatakbo sa 24/7 security operations center na mayruong teknolohiya at equipment, kung saan nag invest ang mobile leader ng babsa ng 20 million us dollar.