Tiniyak ng hari ng Saudi Arabia na si King Salman na hindi titigil ang mga otoridad hanggat hindi natutukoy ang dahilan nang pagkaka-bagsak ng crane sa Mecca Grand Mosque na kumitil sa buhay ng 107 pilgrims at ikinasugat ng higit 200 katao.
Ayon kay Salman, iniimbestigahan na nila ang lahat ng detalye ng trahedya at isasapubliko ang magiging resulta nito.
Kahapon, pinuntahan mismo ng hari ng Saudi ang lugar kung saan bumagsak ang crane. Binisita din niya ang mga sugatan na ginagamot sa Al-nour hospital. Nagbigay din ang hari ng kanyang pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi sa trahedya.
Samantala, kinumpirma naman ng ilang opisyal sa Saudi na tuloy pa rin ang Hajj pilgrimage na magsisimula sa Setyembre 21.
By: Jonathan Andal