Maaaring buksan muli ng Senate Blue Ribbon Committee ang nauna nilang imbestigasyon ukol sa umano’y mga pang-aabuso sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Ito’y ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III ay kasunod ng napipintong pagpapalaya kay US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton na pangunahing suspek sa pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude.
Ayon kay Sotto, hindi pa naman ganap na sarado ang pagdinig hinggil sa mga ‘di umano’y suhulan at palakasan sa loob ng BuCor dahil sa GCTA upang makalaya ang isang sentensyado.
Sa panig naman ni Sen. Panfilo Lacson, tiyak na sasama ang loob dito ng mga Pilipino dahil kababayan ang naging biktima habang ang salarin ay isang dayuhan.
Kinuwesyon naman ni Sen. Riza Hontiveros ang naging timeline ng pagpapalaya kay Pemberton lalo’t nitong Hunyo lamang inihain ng kampo ni Pemberton ang mosyon para kuwentahin ang GCTA nito na nasa gitna ng COVID-19 pandemic.
Patutsada pa ni Hontiveros, tila napakabilis namang aksyunan ng korte ang kaso ni Pemberton kumpara sa apela ng mga Pilipinong nagdurusa sa ilalim ng kasalukuyang justice system ng bansa.