Hindi makikialam ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa nagpapatuloy na imbestigasyon, sa paglalabas ng unauthorized at iligal na resolusyon para sa importasyon ng 300,000 metriko toneladang asukal.
Sa isang panayam, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na hahayaan na ng pangulo ang kinauukulan na imbestigahan ang isyu.
Pero sa kabila nito, nais aniya ni Pangulong Marcos Jr. na maging patas ang imbestigasyon sa kabila ng tangkang pagpapasama sa kaniya, gamit ang pag-issue ng sugar regulatory commission ng isang resolusyon na hindi inaprubahan ng punong-ehekutibo.
Sinabi naman ni Cruz-Angeles na kabilang sa kanilang sisilipin ay kung may pananagutang kriminal ang mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na sangkot sa ‘illegal resolution’.
Gagawin ito sa oras na matapos ang fact finding sa kaso at may makitang matibay na ebidensiya na may kriminal na pananagutan ang mga sangkot.
Si Pangulong Marcos Jr. ang kasalukuyang Kalihim ng Department of Agriculture (DA) at Chairman din ng SRA.