Sisimulan na ng Ombudsman ang imbestigasyon sa mga aberya ng 30th South East Asian (SEA Games).
Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, nakabuo na ng fact finding team na sisiyasat sa umano’y mga aberya at isyu ng kurapsyon sa SEA Games.
Kabilang aniya sa mga iimbestigahan ay si House Speaker Alan Peter Cayetano na namumuno sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC).
Ito’y kahit pa mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang naglinis sa pangalan ni Cayetano sa pagkakasangkot nito sa umano’y kurapsyon sa nasabing palaro.
Ipinabatid ni Martires na bagama’t walang tumatayong complainant, kanila pa rin itong sisiyasatin dahil mandato ng kanilang tanggapan na imbestigahan ang lahat ng mga alegasyon ng katiwalian na kaugnay ang pondo ng pamahalaan.
Target ng Ombudsman na matapos ang fact finding investigation bago matapos ang taon.