Inirekomenda ng NBI na imbestigahan sina prosecution lawyer Mark Tolentino, dating wirecard top executive Jan Marsalek, bank Employee Joey Arellano, Judith Singayan Pe at iba pang indibidwal kaugnay sa German based company Wirecard.
Si Tolentino ay dating DOTr assistant secretary ng Pangulong Rodrigo Duterte at tumatayong exclusive distributor ng sinopharm vaccine sa bansa.
Pinakakasuhan ni NBI Director Eric Distor ng falsification of commerical documents, paglabag sa General Banking Act of 2000 at maging sa cybercrime prevention act ang nasabing grupo matapos mabisto ng NBI anti-fraud division ang kinasasangkutang iregularidad ng mga ito.
Ang imbestigasyon ay isinagawa ng anti-fraud division batay na rin sa inihaing reklamo ng Bank of the Philippine Islands kaugnay sa pekeng mga dokumento sa bangko na sinasabing isinumite ni Tolentino sa Ernst at Young Auditing Firm na inatasan ng german government para busisiin ang nawawalang $2.1 billion dollars o katumbas ng P100 billion.
Inilabas din ng NBI ang sinumpaang salaysay ng ilang saksi na nagtuturo kina Tolentino at pe na kasabwat at link sa nasabing wirecard controversy.