Pinapalakas na ng gobyerno ang kaso laban sa mga posibleng mapanagot kaugnay sa mga nakinabang sa multi-bilyong pisong donasyon para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na iniutos na niya sa Department of Justice o DOJ na magtalaga ng magagaling na abugado at mga accountant para matukoy kung sino ang mga posibleng nakinabang sa Yolanda Funds.
Kailangan aniyang ma-account kung saan ginamit ang mga pondong donasyon ng iba’t ibang bansa at tingnan ang posibilidad kung nagamit ang pondo sa money laundering.
Nais ng Pangulo na maging matatag ang kaso sa korte sa sandaling maisampa na ito para matiyak na magkaroon ng paghatol sa mga nagsamantala sa pondo.
Matatandaang nadismaya at nagalit ang Pangulo nang magtungo sa Tacloban City matapos matuklasang hindi pa nailipat sa mga permanenteng tahanan ang mga pamilyang biktima ng Yolanda sa kabila ng bilyon-bilyong pisong tulong sa mga ito.
By: Avee Devierte / Aileen Taliping