Itinakda na ng House Committees on Games and Amusement at Public Order and Safety sa Miyerkules, Hunyo 7, ang imbestigasyon sa trahedya sa Resorts World Manila kung saan 38 katao ang nasawi.
Ang imbestigasyon ay gagawin sa conference hall ng NAIA Terminal 3 na malapit lamang sa Resorts World.
Kabilang sa tututukan sa imbestigasyon ay ang posibleng pagkukulang sa security ng casino at ng mga security officers nito na naka-duty noong maganap ang insidente.
Senado hindi na kailangan magsagawa ng sariling imbestigasyon sa Resorts World
Walang nakikitang rason si Senate Majority Floor Leader Tito Sotto na magsagawa pa ng sariling imbestigasyon ang senado ukol sa posibleng lapses sa security ng Resorts World Manila.
Ayon kay Sotto, tiwala siyang kayang tapusin ng pulisya at ehekutibo ang imbestigayon sa insidente ng pag-atake at panununog ng isang armadong suspek sa nasabing hotel.
Iginiit pa ni Sotto na bukod sa Resorts World Manila, ay dapat rin aniya tignan ng mga otoridad ang ipinatutupad na security measures sa iba pang hotel at casino sa bansa.
Nais rin ng senador na ipa-DNA test ang natagpuang sunog na bangkay ng suspek para matiyak na katawan nga ito ng suspek na si Jessie Carlos dahil mahigit tatlong (3)oras bago ito nadiskubre.
Kumplikadong arrangement ng PEZA at BFP pinasusuri
Pinasusuri ni Senate President Koko Pimentel ang kumplikadong arrangement sa pagitan ng PEZA o Philippine Economic Zone Authority at ng BFP o Bureau of Fire Protection.
Ito ay kasunod ng umano’y pagpalya ng sprinklers ng Resorts World Manila noong nakaraang linggo.
Dahil nasa ilalim aniya ng PEZA ang Resorts World, hindi ang BFP ang nagsasagawa ng fire safety inspection at ang nagbibigay ng fire safety certificate.
Sinabi ni Pimentel na kailangang gawing mas simple ang pangangasiwa sa mga usapin na may kinalaman sa fire safety protection at hindi ito dapat ipinagkakatiwala ng BFP sa ibang tanggapan na wala namang expertise hinggil dito.
By Krista De Dios / Katrina Valle | With Report from Cely Bueno / Jill Resontoc