Itinakda na ng House Committee on Agriculture and Food sa November 24 ang imbestigasyon sa malawakang pagbaha na nagpalubog sa Cagayan at Isabela sa kasagsagan ng pagbayo ng bagyong Ulysses.
Ayon kay Committee Chair Mark Enverga nakipag-ugnayan na at nagpadala na sila ng imbitasyon sa mga resource persons para sa nasabing pagdinig.
Sinabi ni Enverga na nais nilang gawin na sana bukas, Biyernes ang imbestigasyon subalit marami sa mga resource persons ang hindi uubrang makadalo kaya’t iniurong nila ito sa susunod na linggo.
Ang imbestigasyon ay kasunod na rin ng isinampang resolusyon nina House Speaker Lord Allan Velasco, House Majority Floorleader Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano na naggigiit sa Kamara na busisiin ang ugat ng malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela.
Partikular na gustong malaman ng mga kongresista kung may paglabag sa batas, panuntunan o regulasyon na maaaring nakaapekto pa sa pag-apaw ng Cagayan river.