Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na walang epekto sa mga kaso laban kay PNP NCRPO Chief Debold Sinas ang pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nya tatanggalin sa posisyon ang heneral.
Ayon kay Brig. General Bernard Banac, spokesman ng PNP, tinatanggap nila ang posisyon ng pangulo na manatili bilang NCRPO Chief si Sinas sa harap ng patuloy na laban ng bansa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Gayunman, tuloy-tuloy pa rin anya ang imbestigasyon ng PNP Internal Affairs Service sa kasong administratibo laban kay Sinas at iba pang opisyal ng PNP NCRPO na nag-mañanita noong kaarawan ng heneral.
Dapat rin anyang harapin ni Sinas at mga tauhan nito ang kasong kriminal na nauna nang naisampa laban sa kanila.
Magkahiwalay po ‘yon, ang administrative liability ay hiwalay sa pananatili niya sa puwesto. So, habang ansa puwesto siya ay tuluy-tuloy ang proseso ng pag-imbestiga,” ani Banac. —sa panayam ng Ratsada Balita