Inaasahang ngayong araw na ito ay makakakuha pa ng mga importanteng detalye ang mga awtoridad kaugnay sa imbestigasyon sa pagpaslang sa BIR Regional Director ng Makati City Revenue Region 8.
Ito ayon kay Quezon City Police District Director Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ay dahil makikipag-ugnayan na sila sa pamilya at maging sa mga kasamahan sa trabaho ni Director Jonas Amora.
Sinabi sa DWIZ ni Eleazar na hawak na nila ang CCTV footage sa iba’t ibang lugar kung saan dumaan ang sasakyan ni Amora hanggang sa area ng Katipunan Avenue kung saan ito pinagbabaril.
Inaalam na rin aniya nila kung ano ang kaugnayan ng nakuhang P300,000 cash sa pagkakapaslang kay Amora.
Bahagi ng pahayag ni QCPD Director Senior Superintendent Guillermo Eleazar
P1M reward
Maglalaan din ang Department of Finance (DOF) ng karagdagang isang milyong pisong pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa mastermind ng pagpatay kay BIR Regional Director Jonas Amora.
Magugunitang binaril hanggang sa mapatay si Amora sa loob mismo ng kanyang sasakyan sa kahabaan ng Katipunan Avenue sa Quezon City kahapon ng umaga.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa panulukan ng topside at Katipunan/C-5 sa Barangay Escopa kung saan, isang lalaking nakasakay ng motorsiklo ang bumaril sa opisyal.
Una nang naglaan ng 1 milyong piso ang Finance Department mula sa isang pribadong indibiduwal bilang reward money para sa sinumang makapagtuturo sa nasa likod ng pagpatay kay Customs Deputy Commissioner Art Lachica.
By Judith Larino | Ratsada Balita | Jaymark Dagala