Ipagpapatuloy ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa paggamit ng hindi rehistradong bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa partikular ng ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa kabila ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag magsalita hinggil sa usapin.
Ayon kay Guevarra, maaari pa ring makakuha ng impormasyon ang NBI sa iba pang mga sources.
Paliwanag ni Guevarra, nakatutok naman ang imbestigasyon sa umano’y pagkalat ng mga hindi rehistradong anti-COVID-19 vaccine sa tinatawag na black market, gayundin ang hindi awtorisadong paggamit nito.
Samantala, sinabi naman ni NBI Deputy Director at Spokesperson Ferdinand Lavin na makikipag-ugnayan pa rin sila kay PSG Commander Brig. General Jesus Durante sa pamamagitan ng Armed Forces of the Philippines.
Dagdag ni Lavin, sakaling tumangging makipagtulungan ang AFP ay kanilang pa ring itutuloy ang pagsisiyasat at ibabatay na lamang ang kaso sa hiwalay na mga ebidensiya.