Bukas ang Malacañang sa gagawing pagdinig ng Senado at Kamara hinggil sa pagkakasawi ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, malaya ang dalawang kapulungan ng Kongreso na mag-imbestiga bilang hiwalay na sangay ng pamahalaan.
Kasunod nito, inamin ni Andanar na maging sila ay napapaisip sa sinapit ni Espinosa na nasa loob na ng piitan nang mangyari ang insidente.
Maituturing aniyang government asset si Espinosa hinggil sa kampaniya ng pamahalaan kontra iligal na droga dahil marami itong ibinunyag na impormasyon at personalidad na nasa likod ng iligal na operasyon.
Kerwin Espinosa
Samantala, halos pagsakluban ng langit at lupa ang anak ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa na si Kerwin nang malaman ang sinapit ng kanyang ama.
Ayon sa isang miyembro ng pamilya Espinosa na tumangging magpabanggit ng pangalan, tinawagan umano siya ni Kerwin noong Sabado makaraang payagan siya ng Abu Dhabi Police na makatawag sa telepono sa loob ng tatlong minuto.
Kinomusta ni Kerwin ang kanyang ama at gayun na lamang ang kanyang hinagpis nang makarating sa kanya ang masamang balita.
Kasalukuyang nasa Abu Dhabi ang nakababatang Espinosa habang isinasaayos ang mga dokumento nito bago mailipat sa pangangalaga ng Philippine National Police (PNP).
By Jaymark Dagala