Patuloy ang imbestigasyon ng Police Regional Office 12 hinggil sa pagpapasabog ng bus sa Tacurong City sa Sultan Kudarat noong Nobyembre 6.
Nabatid na sinampahan na ang isang 55 anyos na lalaki at suspek sa paglabag sa Republic Act 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020.
Sa panayam ng DWIZ, nilinaw ni PRO-12 Police Lieutent Colonel Joyce Birrey na kasama ang suspek sa mga sugatan sa nasabing insidente.
May mga kasabwat din aniya ang suspek base sa salaysay ng mga biktima.
Ani Birrey, ito ang kanilang tinututukan, na mahanap ang mga nasasangkot sa krimen at mapanagot ang mga ito.
Samantala, naglunsad aniya ang kanilang tanggapan ng Transportation Security Summit upang mapaigting ang seguridad sa mga terminal sa naturang lugar.