Iginigiit ng Makabayan Bloc ng kamara ang imbestigasyon sa pagpaslang sa tatlong miyembro ng lumad kabilang ang 12 anyos na babae sa operasyon ng militar sa Lianga, Surigao del Sur.
Sa isinampang House Resolution 1903 nais ng grupo na kundenahin ng kamara ang nasabing insidente kasabay ang paghimok sa House Committee on Human Rights na imbestigahan ang nasabing insidente.
Binigyang diin ng Makabayan Bloc na hindi makatarungan ang brutal na pag masaker ng militar sa mga sibilyan na anito’y malinaw na paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law at International Humanitarian Law.
Dapat aniyang managot ang mga nasa likod ng nasabing karumal dumal na pagpaslang sa mga sibilyan na itinanggi nitong mga miyembro ng komunistang grupo.