Magsasagawa na rin ng motu propio investigation ang Commission on Human Rights, sa pamamagitan ng kanilang Regional Office sa Region 9 at pakikipag-ugnayan sa Bangsamoro Human Rights Commission, sa pagpatay sa isang transgender student sa Tawi-Tawi.
Ayon kay Mohammad Ghamidi Amilhassan, investigator on case ng Bangsamoro-HRC, pinag-aaralan na nila ang kaso at maaari ring magkaloob ng anumang uri ng tulong ang kanilang tanggapan.
Naniniwala naman ang LGBTIQ community sa naturang lugar na “hate crime” ang nangyari sa biktimang si Khay Abdulgajir.
Inihayag ni Salm Kairo Dumanlag, Executive Director ng Mindanao Pride, may “chilling effect” ang mga ganitong uri ng krimen na naganap sa gitna ng selebrasyon para labanan ang diskriminasyon sa mga trans, bisexual at LGBTIQ community.
Gayunman, hindi naniniwala si Capt. Kuhutan Imlani Junior, Officer-In-Charge ng Bongao Police Station, na hate crime ang motibo sa pamamaslang.